SOCIO-ECONOMICS, POLITICS and CULTURE in the most popular country in the CHRISTIAN WORLD

Saturday, March 11, 2006

OPINYON: Konpederasyon ng Malalayang Istruktura at Pormasyon

OPINYON: Konpederasyon ng Malalayang Istruktura at Pormasyon

by Anarchist Initiative for Direct Democracy 2006-03-08 9:49 AM +0800

ito ay mungkahing dokumento para sa Anarchist Initiative for Direct Democracy o AID kolektibo. sa kasalukuyan ay hindi pa natatalakay ng kolektibo bagamat nabasa na at napag-uusapan sa mga impormal na talakyan.

ito ay alternatibong kaayusang pampulitika labas sa iminumungkahi ng mga makakaliwang kilusan. samakatuwid ay non-state na alternatibo batay sa kasalukuyang konteksto.


Mungkahing dokumento
Sa AID Kolektibo
07 Feb. 2006
---



Ang mga nakaraang EDSA ay mga pampublikong ehersisyo na iniluwal ng mga perenyal na krisis ng mga kaayusan kung saan sentralisado ang kapangyarihan na lumilikha ng mga pribelehiyo sa iilan habang nagsasaisantabi ng pinakamaraming bilang ng mamamayan sa pagdedesisyon at bahaginan ng benepisyo at yaman ng lipunan.

Kailanman ay hindi naging nuetral ang estado. Sa maraming pagkakataon, instrumento ito ng iilan para protektahan ang kanilang interes. Ang rehimen ni Marcos sampu ng kanyang mga cronies ay walang dudang kinatawan ng elit na nais panatilihin ang sarili sa kapangayarihan sa lantad na puwersahang paraan na ang isa sa mga layon ay makontrol ang pinakamalaking bahagi ng yaman ng lipunan.

Ang administrasyon ni Erap ay isang paksyon ng elit na may malaking impluwensya sa mga mamamayan dahil sa pantasyang nalikha niya sa tulong ng pelikula at media. Ang pantasya niya ay lumikha ng batayang pagkakaisa kung bakit dumagsa sa EDSA pa-Malakanyang ang daang libong lehitimong mahihirap at inaapi sa lipunan at mayoryang mamamayan. .

Ang mga nagdaang EDSA ay dinamismo ng agawan sa kapangyarihan ng mga elit. Ngunit isa sa hindi maitatangging aral na makukuha sa mga ito ay ang kapangyarihan ng mga mamamayan na lumikha ng pagbabago sa pamamagitan ng direktang partisipasyon.

Ang pampulitikang krisis at lumalalang kalagayan ng ekonomya sa kasalukuyan
ay hindi naiiba sa pangkalahatang usapin ng nabanggit na krisis subalit hindi sinasabing isang panibagong EDSA ang kailangan upang magkaroon ng substansyal na pagbabago.

Sa mahabang panahon ang mga mamamayan ay lumalahok sa pampulitikang ehersisyo dahil sa impluwensya ng mga karismatikong lider, mga sentralisadong institusyon at mga pampulitikang istruktura na may hirarkikal na oryentasyon.

Ito ay tipo ng pulitika na hindi nakatuon sa pagpapataas ng kamulatan ng mamamayan. Sa halip, ginagawa nitong pasibo ang mga tao, pinapakilos ang mamamayan dahil sa agenda at interes ng partido, indibidwal at mga elit na grupo.

Ang partisipasyon ng ordinaryong mamamayan ay nalilimita lang sa mga nakagawiang eleksyon. Ang pagiging inaktibo at kawalan ng paglahok sa mga pampulitikang gawain ay lalo namang nagpapalawak ng burukrasya at nagpapaigting ng sentralisasyon upang umano’y mas maging episyente. Ang mga pulitiko ay naging propesyunal sa halip na prinsipyo at interes ng publiko, kadalasan, ang kanilang motibasyon ay nakabatay sa pansariling interes at pagsekyur ng propesyon o carreer.


Ang Direct Democracy

Ito ay isang alternatibong tipo ng pulitika na maaring mamaksimisa sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago. Ito ay nakabatay sa mga ekstraparlimentaryong mga indipindyenteng organisasyon sa mga komunidad, mga organisasyong hindi nakaugnay sa anumang partido at estado.

Ang mga mamamamayan (kabataan, kababaihan, senior citizen, manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang marhinalisadong sektor sa serbisyo at iba pa) ay magkikita at maghaharap-harap sa publiko upang pag-usapan ang mga kinakaharap na isyu. Magaganap ito sa pamamagitan ng mga popular at lokal na malalayang pormasyon kagaya ng mga pulong baranggay, assembliya, asosasyon, organisasyon, kooperatiba, religious group, counterculture na mga grupo, mga advocates at iba pa. Ang kalikasan ng mga pormasyong ito ay hindi upang magpakilos ng tao para igiit ang mga interes at agenda ng aumang eksternal na pormasyon. Nakabatay ito sa pulitika ng mga pamayanan na ang proseso ay edukasyon ayon sa mga aktwal na pangangailangan at kundisyon. Ang layon nito ay hindi upang makuha ang pampulitikang kapangayarihang sa halip ay pagsasakapangyarihan sa mga marhinalisadong mamamayan.

Ito’y naglalayong makalikha ng pampulitikang pormasyon at makabuluhang maimpluwensyahan ang pampublikong opinyon para sa bisyon ng prosperidad na ang benepisyo ay pinakikinabangan ng lipunan. Samakatuwid walang sinuman ang nagugutom. Ang lahat ay may akses sa mga panlipunang serbisyo gaya ng kalusugan, pabahay, edukasyon, tubig, kuryente at transportasyon. Ang likas-yaman ay angkop ang utilisasyon at nakabatay sa likas-kayang prinsipyo. Ang bawat mamamayan ay direkta at makabuluhang nakakalahok sa pagsasagawa ng mga polisiyang nakaayon sa pangangailangan ng mga komunidad, pabrika, industriya, agrikultura at iba pang istruktura ng lipunan.

Ang pulitikang ito ay itatag hindi sa impluwensya ng pulitika ng partido at estado; ito ay pulitika na malayang malalahukan at naiintindihan ng mamamayan at sila ay boluntaryong umaako ng mga responsibilidad.


Kailangan ba talagang I-sentralisa ang Kapangyarihan?

Hanggang sa kasalukuyan ay napakapopular ng malawakang pag-go-gobyerno sa porma ng napakasentralisadong organisasyon na pinatatakbo sa pamamagitan ng mga istrikto at sekular na mga burukrasya na kadalasang pinapatupad ng mga kinatawan at ng mga nanalo sa eleksyon.

Hindi maikakaila sa kasaysayan ang karahasan, panggigipit at panunupil ng mga pamahalaan sa mga mamamayan magmula ng maitatag ang sentrong pamahalaan sa pananakop ng Kastila. At nag-uumapaw ang datus hinggil sa pag-iral ng hindi pantay distribusyon ng yaman na pinapatupad at pinapatatag ng estado. Mas maige pa bago dumating ang mga Kastila; ayon kay Pigaffeta, tagatala ni Magellan. Ang inabutan nilang mga pamayanan ng katutubo ay malulusog, walang may kapansanan at nagugutom. Maaring hindi perpekto ang kalagayan, subalit mas mainam ang panahong yaon kumpara sa ngayon na halos nasa 50 porsyento ang bilang na mga mamamayan na dumaranas ng kahirapan sa iba’t-ibang dimensyon nito.

Huwag gamiting argumento ang paglobo ng populasyon para patatagin ang kahirapan. Ang estadiska ay makakatulong para matukoy kung gaano kalabis ang pag-aari at yaman ng iilang pamilya at kung gaano katalamak ang kahirapan ng maraming mamamayan. Ang produksyon ng cereal ay tumaas ng 12 porsyento noong 1975, sapat upang magbawas ng importasyon ang Bangladesh ng signipikanteng porsyento. Ang kanlurang Asya naman sa kabilang banda ay binaha ng mais mula sa Tsina. Maging ang disyerto sa Saudi Arabia ay nagkapagbebenta ng wheat; dahil sa labis na produksyon sa Finland, ang wheat ay ginagawang glue. Ang produksyon ng India ng grain ay na-triple sa pagitan noong 1950 at 1984, ang suliranin nila ay hindi paglobo ng populasyon kundi transportasyon upang maibyahe ang mga produkto mula sa mga lugar na labis ang produksyon patungo sa mga kapos --- ito ang pangunahing naging dahilan ng kagutuman sa naturang bansa.

Mahalagang banggatin na ang isyu sa World Trade Organisation ng pagtatambak ng produkto ay manipestasyon ng labis na produksyon at hindi populasyon. Ang suliranin ay kung paano ibabahagi ang yaman ng mga lipunan sa mga napakalaking bahagi ng populasyon ng daigdig.

Matagal na panahon na ring namaliit ang kakayahan ng mga mamamayan na patakbuhin ang kanilang mga sariling ugnayan. Maraming karanasan ang magpapatunay na kayang organisahin ng mga produktibong uri at sektor ang kanilang mga gawain at ugnayan upang makalikha ng pangangailangan ng lipunan.

Ang boluntaryo at malalayang asosasyon ng mga pamayanan, syudad, citizen assembly na naka-konpedera mula sa lokal, rehiyon at hanggang sa kontinental ay may mga modelo at isinapraktika sa Espanya ng mga Comuneros noong ika-16 na siglo at ang kilusan ng “American town meeting” na umabot sa New England hanggang sa Charleston noong 1770s. Gayundin ang “Parisian sectional assembly” noong unang bahagi ng 1790s na naulit sa Paris Commune noong 1871 at hanggang sa Madrid Citizens’ Movement noong 1960s at unang bahagi ng 1970s.

Maging bago maging “Pilipinas” ang arkipelago ay may tradisyon ito ng desentralisasyon. Ang bawat barangay ay may indipenyente sa ibang barangay subalit may mutuwal na mga kasunduan sa mga pag-angkin sa teritoryo. Partikular sa agrikultural na bahagi katulad ng kaingin, ang pag-angkin ay hindi nangangahulugan ng pribadong pag-aari. Pag-angkin ay nakabatay sa paggamit, matapos anihin, ang iba pa ay malayang makagagamit.

Naging miserable at dumanas ng kahirapan at pang-aapi ang mga komunidad dahil sa pagse-sentralisa ng kapangyarihan sa iilang mananakop. Walang kaginsa-ginsa, ang mga likas-yaman ay pag-aari na ng mga dayuhan sa pamamagitan mga sentralisadong pamahalaan at simbahan. Bakit bigla nagkaroon ng otoridad ang mga sentrong gobyerno na maningil ng buwis sa porma ng lakas paggawa o produkto sa mga pamayanan sa ngalan ng pamamahala ng mga umano’y “sibilisadong Kristiyano” samantalang napapamahalaan naman ng mga pamaayanan ang sarili nilang mga ugnayang pang-ekonomya at pangpulitika na may maayos na pakikipag-ugnayan sa iba pang mga komunidad.

Totoong napakahirap isiping ganap na idesentralisa ang pampulitikang kapangyarihan lalo’t sa kalagayang ang mga tradisyunal na pulitiko ay tiyak na manamantala. Sabagay, kahit na anong pampulitikang kaayusan ang gawin ay tiyak na magsasamantala ang mga trapo sapagkat ito ay kaangkinan niya. Ganap lang na malulusaw ang trapo kung wala nang tumangkilik sa kanya. Samakatuwid ito ay nakabatay pa rin sa kamulatan ng mga tao.

May ilang mga iskolar ang nagbabanggit na nakaigpaw na raw sa “patronage politics” ang mamamayan, nalampasan na rin halos ang “fantasy politics” na maiuugnay umano sa pagbaba ng popularidad ng mga personalidad sa showbiz at media. Kung totoo na ganito ang kalagayan higit na pagkakataon ito upang isulong ang direct democracy para mapabilis ang pagbabago ng mga istruktura ng lipunan.

Ang tagumpay ng desentralisasyon ay nakabatay sa antas ng kakayahan ng mga mamamayan. Hindi ito kagyat na magaganap katulad kung paano inilulugar ang Transition Revolutionary Government (TRG) ng Laban ng Masa.

Ang pulitika para sa pagsasapraktika ng direct democracy ay proseso ng pag-eeduka sa mamamayan. Sa paglawak ng kapasidad ng mamamayan ay siya namang pagbawas sa hegemonya ng mga institusyong nagsesentralisa ng kapangyarihan. Ito ang magsasakapangyarihan sa mga malalaya at boluntaryong pormasyon sa mga pamayanan at batayang komunidad na magko-konpedera mula sa lokal patungong rehiyon na nakabatay sa balangkas ng mutwal na kooperasyon at ganap na pagkakaisa.

Ano ang pagkakaiba ng Delegado sa Representasyon ng kasalukuyang mga hirarkikal na organisasyon?

Ideyal na maisangkot ang lahat ng mga kasapi sa mga usaping pang-organisasyon na may kinalaman sa paglikha ng mga pampublikong polisiya.
Subalit dahil sa mga praktikal na usapin may pangangailangan na magtalaga ng mga delegado na magiging kinatawan ng organisasyon sa mas malalawak na antas ng pagdedesisyon para sa pagseseguro ng mutwal na kooperasyon sa antas ng baranggay, munisipyo, probinsya at rehiyon.

Ang “popular assemblies” ay isa sa mga klasikal na kaisipang anarkismo para sa pag-uugnay-ugnay ng mga gawain sa pamamagitan ng mga “recallable” na delegado. Wala silang ispesyal na pribelehiyo ngunit may mandato na maging kinatawan ng kanilang kinabibilangang organisasyon. Ang pangunahing responsibilidad ay makisangkot sa mas malawak na antas batay sa mga pinagkasunduan ng mga kasapi. Ang pagsasagawa ng desisyon ay nanatili sa mga assembliya.

Kumpara sa kasalukuyang konsepto ng representative na may kakayahang gumawa ng pagpapasya at may otoridad sa ibang tao o sa kanyang mga botante.

Ang sistema ng konpederasyon ay pag-o-organisa ng mga kinakailangang bagay mula sa lokal o ibaba pataas. Sa halip na mula sa itaas pababa, desentralisado ang konpederasyon at ang mga network subalit mahigpit na pinag-uugnay para sa kanilang mga mutwal na interes na ang bisyon ay para paghubog ng lipunang malaya, pantay-pantay, sagana at likas-kaya.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home