OPINYON: Magpapalit ng Rehimen o Magpapalit ng Sistema?
OPINYON: Magpapalit ng Rehimen o Magpapalit ng Sistema?
by Jose Ricardo Tarrida 2006-03-08 9:45 AM +0800
"Ang mga lokal na organisasyon at asembliya ang praktikal na ekspresyon ng pagsasakapangyarihan ng mamamayan. Ang prosesong ito ay magbibigay atmospera na maghihikayat sa malawak na partisipasyon ng mga taong bayan. Mas magiging makabuluhan paglahok sapagkat ang pag-uusapan ay may direktang kinalaman sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Ito ay pag-uusapan sa mga lokal na salita sa mga pampublikong lugar at pasilidad pulungan."
---
Ang pagkakasangkot ni GMA sa ibat’-ibang kontrobersiya at isyu ay patuloy na kumukutkot sa nalalabing niyang legitimacy.
Ang malawakang pagkilos ng civil society at mga grupong makakaliwa sa pangkabuuan ay nakakaimpluwensya sa pampublikong opinyon, isabay pa ang alboruto ng mga oposisyon at pag-atake ng NPA sa ilang lugar sa kanayunan na tila nagbibigay impresyon na may malawakang diskontentong umiiral.
Lehitimo ang mga kadahilanan kung bakit naglulunsad ng kilos protesta ang mga organisadong grupo. Ang pagkakasangkot niya sa election fraud; ang paggastos sa pera ng mamamayan (Road Users Tax) para kanyang eleksyon noong 2004. Malala pa ay ang paggamit ng 728 millyong pondo na nakalaan para sana sa fertiliser; ang walang pakundangang liberalisasyon ng ekonomya at marami pang isyu na nakakaapekto sa mamamayan. Gayundin, pinangangambahang naubos na ang nabawing yaman mula sa mga Marcos. Ang pinakabago ay ang pagdedeklara niya ng “State of Emergency” na kagyat namang nagresulta ng marahas na dispersal sa mga nagpo-protesta at pagkakaaresto sa ilang indibidwal.
.
Ang deklarasyon niya ng state of emergency ay isang natural na desisyon upang protektahan ng isang makapangyayari ang kanyang posisyon. Ayon sa lohika ng bahaginan ng kapangyarihan; ang makapangyayari katulad ng isang presidente ay nangangailangang magsentralisa ng kapangyarihan upang mapanatili ang kaayusan. Kinakailangan niyang supilin ang organisadong grupo at iba pang oposisyon upang hindi ganap na makapangalap ng suporta sa mga mamamayan na siyang panggagalingan ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pag-impluwensya ng pampublikong opinyon.
Ngunit ang paggamit ng administrasyon ni GMA ng puwersa ay hindi makapagbibigay ng pangmatagalang proteksyon, sa halip, lalo lang mapapabilis ang kanyang pagbagsak. Ang kasaluluyang kaganapan ay pag-iinat pa lang na pinangungnahan ng mga organisadong grupo; darating ang takdang oras na makikialam ang malawak na mamamayan dahil sa kundisyon ng panunupil matagal ng itinakwil ng mamamayan; ito ang tuluyang magpapatalsik sa kurap na administrasyon ni GMA.
Ang pagbagsak ni GMA ay napipinto. Samakatuwid, ang isa sa mga seryosong dapat na pagmunimunihan ay kung anong kaayusan ang nararapat upang hindi na maulit ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at mamamayan.
Kung alternatibo din lang ang pag-uusapan ay hindi mauubusan ng mungkahi lalo ang iba’t-ibang grupo na may interes sa pampulitikang kapangyarihan. Sa katunayan ay may TRG ang Laban ng Masa, at may sariling bersyon naman ng transition government ang RA.
Sa proseso, ang mga oposisyon at iba’t-ibang grupo ay nakabuo ng pagkakaisa laban sa administrasyon. Nagkaroon ng ilang pag-uusap ang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang bersyon ng kaliwa, NGOs, militar, partylist at mga personalidad hinggil sa kung paano lilikha ng mekanismo para sa transisyon sa isang lehitimong pamahalaan.
Kung magiging praktikal, ang nabubuong alyansa ng mga oposisyon ay relatibong malawak na pormasyon at higit na viable kumpara sa kasalukuyang rehimen o iba pang inisyatiba ng ilang elit na grupo.
Ngunit mahalaga rin na pagmunimunihang mabuti kung nasaan ang malawak na mamamayan sa mga nagaganap na proseso at pampulitikang ehersisyo. Ang mga uupo ay ba ay substansyal na maire-representa ang 80 milyong tao mula sa iba’t-ibang dimensyon ng buhay ng mga kababaihan, kabataan, mangingisda, magsasaka, katutubo, senior citizen, kabaklaan, mga tomboy, manggagawa, ‘subculture”, “taong-grasa”, serbisyo at iba pang naisasaisantabing mga sektor, komunidad at grupo ng lipunan?
Ang interes ba ng mga nabanggit na sektor ay may kasiguruhan na mapo-protektahan at matutugunan ang kanilang pangangailangan kung ang mga desisyon ay ginagawa sa mataas na antas ng istruktura ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga kinatawan?
Kailan ba huling dumanas ng kasaganahan at kapayapaan ang ating bansa? Walang kagyat na maisasagot lalo ang karaniwang mamamayan na nasanay nang nangangamuhan, walang permanenteng trabaho o wala talagang trabaho, tinataboy, walang pamasahe, umiilag sa mga ahensya ng pamahalaan, galit sa pulitiko, galit sa pulis at isang kahig isang tuka, inaabuso at bihirang-bihira na makuha ng hustisya.
Ginagawang pasibo ng sentralisadong gobyerno ang malawak na mamamayan, sapagkat wala silang akses upang ihayag ang kanilang pampulitikang opinyon at pananaw na may direktang kinalaman sa kanyang aktuwal na gawain. Dahil ang gumagawa nito para sa mamayan ay yung mga kinatawan at mga partido.
Sa maraming pagkakataon, interes ng partido ang nabibigyang diin sa halip ang aktuwal na pangangailangan ng mga lokalidad. Ang mga kinatawan ay may otoridad sa mga mamamayan kung saan ay accountable siya.
Ang dominanteng kaisipan at balangkas ng pag-gobyerno ay pagsesentralisa ng pampulitikang kapangyarihan sa isang napakalawak na organisasyon ng gobyerno. Na kadalasan, sa proseso ay nagiging sekular at ang mga impormasyon at pagdedesisyon ay napupunta na lang sa iilan. Dahil malawak ay nagiging burukratiko at napapatatag ang kaisipang bosismo at hindi pantay na turingan dahil sa posisyon.
Sana’y huwag ng muling maliitin ang kakayahan ng mamamayan na direktang pamahalaan at pangasiwaan ang kanilang mga sariling ugnayan ayon sa kanilang kalagayan at interes. Alam na natin kung ano ang resulta ng elit na demokrasya, kung papanatilihin natin ang lumang sistema ng representasyon sa pamamagitan ng mga partidong pulitikal at otoritaryang mga organisasyon ay magpapatuloy lang ang marhinalisasyon o pagsasaisantabi ng malawak na mamamayan.
Sa halip ay hayaang mag-organisa ang mga mamamayan sa mga lokalidad at mga pamayanan ayon sa kanilang mga interes. At ang mga organisasyong ito ay siyang bubuo ng malalayang assembliya at pormasyon na siyang magsagagawa ng mga polisiya.
Ang mga lokal na organisasyon at asembliya ang praktikal na ekspresyon ng pagsasakapangyarihan ng mamamayan. Ang prosesong ito ay magbibigay atmospera na maghihikayat sa malawak na partisipasyon ng mga taong bayan. Mas magiging makabuluhan paglahok sapagkat ang pag-uusapan ay may direktang kinalaman sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Ito ay pag-uusapan sa mga lokal na salita sa mga pampublikong lugar at pasilidad pulungan.
Sa ganitong proseso; ang kapangyarihan ay nagmumula sa ibaba pataas kaya’t kung anumang mga desisyon ang aabot sa itaas ay tiyak na masasalamin ang interes at kalagayan ng mga lokalidad.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home