Mula sa 3rd Ave Hanggang sa Dulo --sipat
Pagpapakilala sa “Mula sa 3rd Avenue Hanggang Sa Dulo”
ni Dr. Roland B. Tolentino, University of the Philippines, Film Institute
(Binasa sa pagbubukas ng pa-sine ng SIPAT sa University of the Philippines- Diliman)
28 Setyembre 2004
Simulan natin ang pagpapakilala sa surreal na kwento: Mayroong , at least, tatlong gangs sa 3rd Avenue sa Kalookan – ang Black Ace Brothers, SLB at hamog Boys. Marami sa nakatira rito ay tadtad sa pang-araw-araw na skandalo, bugbugan, riot at patayan. Ito ang nakikita. Ang hindi nakikita o ayaw makita ay ang araw-araw ring kagutuman, paghihikahos, kawalan ng edukasyon, trabaho at hustisya. Matapos igapang at maka-graduate ng highschool sa Manuel Luis Quezon, ang mailap na pangarap ni Jonjo ay makapag-aral sa PUP. Si Michael naman ay nagpapatakbo ng video arcade, kumikita mula sa piso-pisong inihuhulog ng mga bata, at nakatutulong sa gastos sa bahay nila. Si Buchoy ay panganay na ang trabaho ay magpanggabing pahinante sa trucking company ng San Miguel Corporation at magbenta ng dugo sa halagang P250. Isang Hamog Boys, nakuha ang pangalan ng gang dahil sa gabi sila kung lumabas at inaabot sa madaling-araw ang kanilang pagsasama, ay nagbebenta ng 200-300 siopao sa pista sa Bulacan para kumita. Sa gitna ng nakaraang eleksyon, natatanto na ng mga bata na walang gloria kay Gloria (GMA).
Ang mga kabataang ito ay hindi lamang bahagi ng reserve army ng surplus labor ng bansa, sila rin ang nakahany sa uring mula proletaryado (industrial na manggagawa) hanggang sa semiproletaryado (walang trabaho) at ang kinatatakutang lumpen proletaryado (“latak ng lipunan”) o sa mas popular na katawawgan , ang jologs. Tinagurian sila bilang walang breeding, walang pinag-aralan, walang kakayanan, walang modo, kaya maging ang kanilang lunan, ang komunidad ng squatter, ay binabakuran, na kailangan pang umakyat sa hagdanan sa pader, tulad sa Pook Palaris, Ricarte at Area 1 sa UP Diliman – para lamang makalabas-pasok sa lugar. Kaya kahit pagbabambuhin sila noong EDSA 3 sa Malacañang, maputukan at magputukan ang mga ulo, walang umalma sa ngalan ng kanilang hanay. Wala silang karapatan dahil sa mata ng lipunan, hindi sila dapat nabubuhay.
Kaya madali rin silang magamit at magpagamit sa mga politiko na walang balak gawin sa kanila kundi paramihin ang kanilang numerikong hanay para mas dumami pa ang naghihikahos at kung sa gayon, mabilis na mabili ang boto. Dahil kung tunay na iaangat ang kanilang buhay – bibigyan ng akses sa edukasyon, trabaho, katarungan, pagkain, patubig, pabahay at kalusugan – ay magiging lubos ang pagkamulat at kapag magpagayon, makikita na ang mga trapo (tradisyunal na politiko) ang siyang dapat hindi mabuhay. Pero hindi gayon ang laro ng kapangyarihan sa lipunan. Tulad ng pagguho ng bundok sa Payatas, silang nabubuhay sa basura ay namamatay rin sa basura.
Ipinapakita rin sa dokumentaryo ang saysay ng politikal sa pagtataguyod ng isang kritikal na publikong spero (sphere) sa pamamagitan ng pagpapakilos sa hanay ng lumpen proletaryadong kabataan at sa komunidad nito hindi para magamit muli’t muli ng politiko kundi magkaroon ng kontraryong pang-estadong paninindigan. Hindi nga ba’t ang estado naman ang pangunahing nagpapalaganap sa karahasang nagtataguyod ng interes ng iilang higanteng negosyante at panginoong maylupa? Ang pagpasok ng Anak ng Bayan, partidong politikal ng sektor ng kabataan ang nagpapadaloy ng politikal na diskurso sa hayagang pamomolitika lamang ng mga trapo at ang retorika ng estado.
At ito ang lamang ng naturang komunidad sa atin dito sa UP. Kahit pa hayagan ang organisasyon ng mga aktibista sa pagpapamulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ng hanay ng skolar ng bayan, hindi pang-ekonomiko ang batayan ng pagkilos. Hindi naman mas batayang usapin ng kagutuman at kawalan ng edukasyon ang motibasyon sa elitismo sa UP. Sa bulto ng hanay ng kabataang walang tiyak na kinabukasan, tulad sa sityo ng 3rd Avenue, at tumpak ang titulo ng dokumentaryo, hanggang sa dulo, mas maigting sa pang-araw-araw na buhay na karanasan sa paghihikahos. Kahit pa sabihin na “lumpen proletarians are given to senseless destruction” (Philippine Society and Revolution, 151). Tayo rito sa poder ni Oblation, ang ating periodikong anxiety attack ay patungkol sa lovelife o kawalan nito, pagsipsip sa born-agaain o tibak o terror na prof, at pagtimba sa 1.0 o ng 5.0. Anong ligaya ng may katiyakan na ang kinabukasan ay may gloria!
Kung gayon, ang politikal ang magtitiyak ng transformasyon ng diskursong panlipunan – ang makakapaningil sa estadong may mabigat na pagkakautang sa mamamayan at ang mga politiko at negosyante patuloy na namamayagpag sa yaman at kapangyarihan dahil sa higit pang pandarambong sa naghihikahos ng mamamayan nito. Tulad ng pagkalapit ng 3rd Avenue sa Monumento ni Bonifacio sa dulo ng EDSA, sa bukana ng syudad ng Kalookan, ang pag-ikot ng mundo, ang traffic na likha, ang mga infrastraktura ng kapital tulad ng LRT at Ever Gotesco Mall, tila walang problema dahil patuloy na umiinog ang kapital at mundo!
Sa napipintong pangtanggal ng monumento ni Bonifacio sa kasalukuyan nitong lokasyon, sa planong i-extend ang MRT hanggang sa Kalookan, ano pa ang ibig sabihin ng Monumento kung wala na ang monumento? Temporal na binabago ng diskurso ng politikal ang landscape na normal ang mundo. Sa pamamagitan ng mga nagmamartsa sa lansangan o pagkilos sa Pambansang Tigil Pamasada, pagwewelga sa Ever, naimamarka ang puwang ng pagbabalikwas laban sa mapanupil na normalisasyon ng kaayusan. Sa huli, hindi lamang masisipat ang mataas na signage ng Jollibee sa poder ng Ever, mas mataas pa sa monumento ni Bonifacio, matutunghayan ang mga pulang bandila, at higit pa rito , ang hanay ng kabataan – lumpen proletaryado man o dahil nga lumpen proletaryado – na nakikibaka. Ang diskurso ng politikal, gaya ng pagkasipat sa dokumentaryo, ang siyang magpapatunggali sa puwersa ng mga uri sa lipunan at sa loob mismo ng mga pinaghalong-uring sektor. Hahayaan bang maging reserbadong army lamang sila, na sa paghihikahos ay kay daling kumapit sa droga, pagtatato, at pagpatay at pagpapatiwakal – tulad ng isang amang bitbit ang kanyang isang taong sanggol sa bagong tayong pedestrian walk sa Commonwealth – o gagawing politikal, na siya namang batayan ng mga uri, ang kanilang hanay?
Ang dokumentaryo ay isang materyal para sa edukasyon sa mga usaping ito. Dahil mismong dokumentaryo ay pumanig na sa papel ng dokumentartong pelikula – partisan ito, at nakapanig sa interes ng nakikibakang kabataang mamamayan. Pagbati sa SIPAT at sa lahat ng nakikibakang kabataan mula sa 3rd Avenue hanggang sa dulo, lampas-lampasan pa sa abot ng mapapakilos!
courtesy of http://sipat.tk/
0 Comments:
Post a Comment
<< Home